BAKIT AKO TATAKBO SA 2010?
Extemporaneous Message of Dr. Zaf Alonto, 2010 Vice Presidential Aspirant
Mga kababayan, ako ay hindi pulitiko at lalo naman hindi ako sinungaling! May pagka-bulgar lamang ang aking estilo kaya pagpasensyahan na lang ninyo ako. Pilosopya ko kasi ang MAGING TOTOO sa lahat ng bagay DAHIL AYAW KONG MA-IMPYERNO!
Dahil sa mga pangyayari sa ating ‘Lupang Hinirang’ na ngayo’y LUPAYPAY na sa kahirapan at korapsyon, ako’y pumayag na sumabak sa darating na halalan ngayong 2010, bagay na taimtim kong inaayawan! Gulat kayo, ano!
Sabi pa ng iba, sino ba itong engot at totoy na sasabak sa eleksyon, eh, wala naman karanasan sa pulitika?! At wala pang pangalan?!
Heto naman ang sagot ko at makinig kayong mabuti, ano! Tama sila! Wala nga akong karanasan; KARANASAN na siyang NAGPALUBOG at NAGPALUGMOK sa ating bansa mula ‘Bansang Marangya’ hanggang sa naging ‘Bansang Nabokya’ kaya nagkadenggoy-denggoy ang Pilipinas ngayon!. Kung di ba ito totoo , bakit galit ang karamihan ng Pinoy sa mga pulitiko! Di ba totoo?!
At tama rin sila, dahil wala nga akong karanasan magsinungaling sa bayan o magnakaw sa kaban gobyerno na dapat napunta sa mga naghihirap na masang Pilipino!
At totoo wala nga akong pangalan tulad ng ibang mga pulitiko na SUMIKAT DAHIL SA PAMBUBOLA sa atin!
Sabi naman ng iba riyan, kung ako naman ay palarin na manalo sa halalan at maluloklok sa puwesto, eh magiging sinungaling at magnanakaw na rin ako tulad ng karamihang pulitiko!
Heto naman and sagot ko sa kanila. AYAW KO PONG MA-IMPYERNO, ANO! 53 years old na ako at ilang taon na lang ang natitira sa aking buhay. Hindi na matagal at magiging lupa na rin ako! Ang pinaka-ambisyon ko ay MAPUNTA SA LANGIT at alam na alam ko na ang pagnanakaw at pagsisinungaling ay magdadala sa akin sa kapahamakan! Di ba totoo iyon?!
Kaya mungkahi ko sa mga pulitiko ngayon. Tigilan na po ninyo ang pagsisinungaling, panguguyo at pagnanakaw sa kaban ng bayan. NAPAKA-INIT PO NG IMPYERNO at ito’y WALANG KATAPUSANG PARUSA! Hindi ba kayo natatakot niyan?! Para sa akin, TAKOT AKO! Kung ayaw ninyong magbago, bahala kayo sa kabilang-buhay! Kayo rin!
Sabi naman ng iba riyan, maging praktikal daw ako dahil wala naman akong pera para itustos sa pangangampanya.
Heto naman ang sagot ko. Kong tayong mga botante ay nadadala sa pera-pera lang, aba, eh, huwag na tayong magreklamo kong ang ating mga namumuno ay mga sinungaling at magnanakaw dahil binuto natin sila! Kaya MAGTIIS TAYO! O, di ba?!
Naala-ala ko tuloy ang mga kuwento tungkol sa aking lolo na kauna-unang Muslim sa Pilipinas na nahalal na senador. Three termer po siya. Bago po siya namatay, siya po ang nagtatahi ng kanyang mga pantalon. At ang kanyang pinakamatandang anak, na naging senador din, wala po siyang sasakyan hanggang siya’y yumao. Nanaghihiram lang po siya sa kanya mga anak!
Tanong pa ng iba–eh–may programa ba kayo na aayos sa napakabigat na suliranin ng bansa? At paano ninyo ito ipaparating sa mga botante, eh, wala nga kayong pera para ikutin ang buong bansa?
Heto naman ang sagot ko: Una, tatanggalin natin ang mga SALOT o KONTRABIDA sa buhay ng mga Pinoy na nagpahirap sa kanila ng husto. Basahin at pag-isipan ninyo itong mabuti.
Aalisin natin ang:
1. Income Tax
2. Real Estate Tax
3. Electric, Water, Oil at iba pang mga taxes na ipinatong sa mga basic needs ng Pinoy.
4. At babawasan natin ang Vatman, eh, e-vat pala, mula 12% sa 7%!
At teka, may masama akong ibabalita at hindi ito tsismis, ano! May balak pa raw taasan ang e-vat sa isang taon para daw ipanlaban sa Gobal Crisis na gawa rin naman ng mga GREEDY PLUS PLUS!
May tanong ang isa–Aba teka, eh paano naman tatakbo ang gobyerno kong aalisin ninyo ang mga taxes na ito?!
Heto naman ang sagot ko at baka magulat kayo sa sasabihin ko! Hindi lang tatakbo ang gobyerno kundi LILIPAD ang pamahalaan KONG TATANGGALIN NATIN ANG MGA SALOT SA BUHAY NG MGA PINOY! At bakit naman?
Hindi ba TATANGGALIN natin ang salot na ito?; at dahil dito, MAGKAKAROON NG PERA ANG MGA PINOY!; at dahil magkakaroon ng pera ang mga Pinoy, MAS MARAMING MABIBILI NILA SA KANILANG MGA PANGANGA-ILANGAN!; at dahil mas maraming mabibili ang mamamayan, UUNLAD NA ANG KASALUKUYANG MATAMLAY NA MGA NEGOSYO; at dahil ang mga negosyo ay uunlad, MAS MALAKI ANG MAIBIBIGAY NILANG CORPORATE TAXES SA GOBYERNO! Eh di may pera na ang mga pinoy, uunlad ang negosyo, may pera pa ang gobyerno!
At dagdag pa rito, dahil MAS MALAKI and ‘DEMAND’, ang mga producers ay MANGANGA-ILANGAN ng MAS MARAMING TRABAHO dahil sino naman ang magpapatakbo ng mga paktorya–mga kabayo?! Tao, di ba!?
Hetong programang ang tinatawag na HAPPY ALL SCENARIO. Walang labis, walang kulang! Ang GALING-GALING ng PANGINOON, ANO!
Pangalawa, para wala kaming sabit at PINAGKAKA-UTANGAN, HINDI KAMI kukuha ng suporta sa kahit kanino mang Drug lord, Wetting lord o kung sino mang lord of the ring kundi kay TOTOONG LORD LANG at sa inyong mga botante!
Pangatlo, pag-iisahin natin ang mga departamento sa executive branch na magkapareho lang ang function. Tulad na lang halimbawa ng DILG at DND.
Gayahin na lang natin ang isang ma-tsismosong blind item column na ‘ALAM BA NINYO?’. Ang sa akin naman ay, ALAM BA NINYO na ang mga nagkapatong-patong na mga departamento sa executive branch ay ginawa para PAMBAYAD sa mga kaalyado ng nahalal na pangulo at ito nama’y naging instrumento ng korupsyon? ALAM DIN BA NINYO na ito’y isang dahilan kung bakit naghihirap ang bansa ngayon?
Nguni’t, ALAM DIN BA NINYO na kung pagsama-samahin ang mga nagkapare-parehong departamento, magbibigay ito ng bilyon-bilyong SAVINGS sa gobyerno na magagamit natin sa FREE EDUCATION na isa rin sa ating programa? Aba mag-isip isip na tayo, mga kababayan!
Pang-apat, iibahin o ire-restructure natin ang ating kasalukuyang Debt Servicing Program, o sa madaling salita, ang ating binabayarang utang panglabas (‘Utang’ raw ng ating ina, sabi pa ng iba).
Kung sa una, halos kalahating porsyento ng ating annual budget ang IPINAMBABAYAD sa panglabas na utang, ito’y BABAWASAN natin. TAKE IT OR LEAVE IT, iyan ang sasabihin natin sa mga foreign creditors. At ang ‘slash’ na ito ay GAGAMITIN natin sa FREE EDUCATION at AGRICULTURAL DEVELOPMENT programs! Ang GALING MO, Panginoon ko!
At sa panghuli, imumungkahi ng inyong lingkod na ang mga RIGHTEOUS PEOPLE lamang ang ilagay sa mga strategic position ng pamahalaan! KAYA TAPOS NA ANG MGA MALILIGAYANG PANAHON NINYO, KONG NAGKATAON, kayong mga kurakot!
Paano naman ito mangyayari? Simple lamang! ITAGUYOD NINYO ANG AMING KANDIDATURA at iluklok sa pamahalaan! Kung di ninyo magawa ito, eh di MAGTIIS NA LANG TAYO sa status quo o sa dating gawi na KINAMUMUHIAN NINYO!
Tigilan na natin ang ating PULPOL NA PAG-IISIP na bumuto sa LESSER EVIL! EVIL PA RIN IYON, mga kababayan, kaya nga nakakabit pa rin ang salitang EVIL!
Salamat at pagpalain tayong lahat ng Poong-Maykapal.
Ameen!
Read Full Post »